Filipino Reviewer Lesson 5 Gen-ED - Teachers ng Pinas


Filipino Reviewer Lesson 5 Gen-ED - Teachers ng Pinas 


WIKANG FILIPINO

WIKA 
isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo (Webster, 1974)
masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura (Gleason, Henry, 1988).

KATANGIAN NG WIKA
masistemang balangkas ginagamit
sinasalitang tunog nakabatay sa kultura
pinipili at isinasaayos nagbabago
arbitraryo

TUNGKULIN NG WIKA
interaksyunal imahinatibo
instrumental heuristik
regulatori impormatib
personal

ANTAS NG WIKA
1. PORMAL
a. Pambansa
b. Pampanitikan
2. IMPORMAL
a. Lalawiganin
b. Kolokyal
c. Balbal

BARAYTI NG WIKA
Ang pagkakaroon ng barayti ng wika ay ipinaliliwanag ng teoryang sosyolinggwistik na pinagbatayan ng ideya ng pagiging heterogenous ng wika. Ayon sa teoryang ito, nag-uugat ang mga barayti ng wika sa pagkakaiba-iba ng mga indibidwal at grupo, maging ng kani-kanilang tirahan, interes, gawain, pinag-aralan at iba pa. Sa makatuwid, may dalawang dimensyon ang baryabilidad ng wika – ang dimensyong heograpiko at dimensyong sosyal (Constantino, 2006).

Dayalekto – nalilikha ng dimensyong heograpiko. Ito ang wikang ginagamit sa isang particular na rehiyon, lalawigan, pook, malaki man o maliit.
Sosyolek – nabubuo batay sa dimensyong sosyal. Ito’y nakabatay sa mga pangkat sa lipunan.
Jargon – bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain
Idyolek – personal na paggamit ng wika

TEORYA NG PINAGMULAN NG WIKA
1. Bow-wow – ang wika ay mula sa panggagaya sa mga tunog ng kalikasan
2. Poop-pooh – hindi sinasadya ay napabulalas sila bunga ng mga masisidhing damdamin tulad ng sakit, tuwa, sarap, kalungkutan, takot, pagkabigla, at iba pa
3. Ta-ra-ra-boom-de-ay – nag-ugat sa mga tunog na kanilang nililikha sa mga ritwal na ito na kalauna’y nagpabago-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.
4. Ta-ta – ang kumpas o galaw ng kamay ng tao na kaniyang ginagawa sa bawat partikular na okasyon ay ginagaya ng dila at naging sanhi ng pagkatuto ng taong lumikha ng tunog at kalauna’y nagsalita.
5. Ding-dong – lahat ng bagay ay may sariling tunog na siyang kumakatawan sa bawat isa at ang tunog niyon ang siyang ginagad ng mga sinaunang tao na kalauna’y nagpabago-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.

MGA BATAS UKOL SA WIKANG PAMBANSA

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 (Disyembre 30, 1937). Ipinahayag ni Pangulong Quezon na ang wikang pambansa ay ibabatay sa Tagalog alinsunod sa Batas Komonwelt Blg.184 sa bisa ng Saligang Batas 1935.

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 (Abril 1, 1940). Pagpapalimbag ng isang diksyunaryo at isang gramatika ng wikang pambansa at pagtatakda ng pagtuturo ng wikang pambansa sa lahat ng paaralang pambayan at pampubliko

Sirkular Blg. 26 (Abril 12, 1940). Pagtuturo ng wikang pambansa sa mataas na paaralan at paaralang normal.

Batas Komonwelt Blg. 570 (Hunyo 7, 1940). Ang wikang pambansa ay isa sa mga wikang opisyal ng Pilipinas.

Proklamasyon Blg. 12 (Marso 26, 1954). Marso 29-Abril 4 - Petsa ng Pagdiriwang ng Linggo ng Wika na isasagawa taon-taon bilang paggunita sa kaarawan ni Francisco Baltazar.

Proklamasyon Blg. 186 (Septiyembre 23, 1955). Paglilipat ng petsa ng Linggo ng Wika mula Agosto 13-19 bilang paggunita sa kaarawan ni Manuel L. Quezon.

Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 (Agosto 13, 1959). Tatawaging Filipino ang pambansang wika.

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 (Oktubre 24, 1967). Bibigyan ng katumbas at pangalan sa Filipino ang lahat ng gusalil, edipisyo, at tanggapan ng pamahalaan.

Memorandum Sirkular Blg. 159 (Agosto 5, 1968). Pagdalo ng mga pinuno at empleyado ng pamahalaan sa mga seminar sa Filipino na idinaraos ng Surian ng Wikang Filipino sa lahat ng purok pangwika.

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187 (Agosto 6, 1969). Paggamit ng Wikang Filipino hangga’t maaari sa Linggo ng Wikang Pambansa sa lahat ng opisyal na komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan.

Kautusang Pangkagawaran Blg. 50 (Nobyembre 14, 1974). Pagpapatupad ng mga patakaran sa edukasyong bilinggwal sa kolehiyo at pamantasan.

Kautusang Pangkagawaran Blg. 52 at 54 (Mayo 27, 1987). Mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran ng edukasyong bilinggwal sa lahat ng paaralan sa Pilipinas.

Kautusang Pangkagawaran Blg. 81 (Agosto 6, 1987). Ang Alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 letra.

Kautusang Pangkagawaran Blg. 104, s. 2009. Bagong Gabay sa Ortoprapiyang Filipino.

Pag-aaral ng PONOLOHIYA
Ang Filipino ay may 28 titik ang Filipino 
15 katinig - b,d,g,h,k,l,m,n,p,r,s,t,w,y,ng
5 patinig - a,e,i,o,u
8 hiram na salita - c,f,j,q,v,x,z,ñ

May 7 diptonggo sa Filipino - ay,ey,iy,oy,uy,aw,iw

Mala-patinig - w,y

May klaster o kambal-katinig – Ito ang magkakasunod na katinig sa loob ng isang pantig

Ang pares minimal – Ito ay pares ng salita na magkaiba ng kahulugan ngunit may katulad ng bigkas maliban sa isang ponema sa parehong posisyon

Ang Morpolohiya/Palabuuan – Ito ang pag-aaral ng morpema ng isang wika at ang pagsasama ng mga ito upang makabuo ng salita. Ang morpema ay ang pinakamaliit na yunit ng isang salita.

Mga Uri ng Morpema
1. Morpemang may kahulugang leksikal
2. Morpemang may kahulugang pangkayarian

Mga Anyo ng Morpema
1. morpemang salita
2. morpemang panlapi
3. morpemang ponema

Mga Pagbabagong Morpoponemiko
Ito ang anumang pagbabagi sa karaniwang anyo ng isang morpema dahil sa impluwensiya ng kaligiran nito. Ang kaligiran ay ang mga katabing ponema na maaaring makaimpluwensiya upang makapagbago sa anyo ng morpema.

Mga Uri ng Pagbabagong Morpoponemiko
1. Asimiliasyon – Ito ang pagbabagong nagaganap sa salitang-ugat sa panlapi.
2. Pagpapalit ng ponema – May mga ponemang nababago o napapalitan sa pagbubuo ng mga salita.
3. Metatesis – Pagbabago kapag ang salitang-ugat na nagsisimula sa /i/ o /u/ ay ginigitlapian ng /in/, ang /i/ o /u/ ng salitang-ugat at ang /n/ ng gitlapi ay nagpapalit ng posisyon.
4. Paglilipat-diin – May mga salitang nagbabago ang diin kapag nilalapian. Maaaring malipat ng isa o dalawang pantig ang diin patungo sa huling pantig patungong simula ng salita.

Mga Bahagi ng Panalita
Salitang Pangnilalaman (Content Words)
Pangngalan
Panghalip
Pandiwa
Pang-abay
Pang-uri
Salitang Pangkayarian (Function Words)
Pangatnig
Pang-ukol
Pang-angkop
Pantukoy

Kaganapan ng Pandiwa – Ang bahagi ng panaguri na nagbibigay ng ganap na kahulugan sa pandiwa.

1. Tagaganap o aktor - Gumaganap ito ng kilos o gawaing sinasabi ng pandiwa. Gumagamit ito ng mga panandang ng o ni, o maaari ring panghalip na panao na mo, ko, niya, natin, at naming. 
Hal. Pinaglaban ng mga repormista ang bayan sa pamamagitan ng panulat. 
2. Layon o Tagatanggap - Tumatanggap ito ng kilos na sinasabi ng pandiwa. Gumagamit ng mga panandang ng o ng mga.
Hal. Sumusulat ng mapanghimagsik na tula ang mga repormista
3. Kalaanan - Tumutukoy ito sa pinaglalaanan o pinag-uukulan ng kilos na isinasaad ng pandiwa at karaniwang pinangungunahan ng panandang para kay o para sa 
Hal. Gumawa sila ng mga reporma para sa bayan.
4. Ganapan - Itinuturo nito ang pinagganapan o pinangyarihan ng kilos na isinasaad ng pandiwa at may pananda itong sa o kay.
Hal. Pumunta sa Madrid ang mga repormista sapagkat hindi na sila makababalik sa Pilipinas.
5. Sanhi o Dahilan - Isinasaad nito and sanhi ng kilos ng pandiwa at pinangununahan ito ng panandang dahil sa o dahil kay 
Hal. Ibinubuwis ng mga repormista ang kanilang buhay dahil sa kanilang pagmamahal sa bayang sinilangan.
6. Kagamitan - Tinutukoy nito ang instrumento o kasangkapang ginagamit sa pagganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Pinangununahan ito ng panandang sa pamamagitan 
Hal. Lumaban ang repormista sa mga kastila sa pamamagitan ng panulat.
7. Direksyunal – Tumutukoy sa lugar na nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa na bahagi ng panaguri.
Hal. Nagliwaliw ang mga bata sa mga parke ng lungsod.
8. Resiprokal - Tinutukoy nito ang bahagi ng panaguri na nagsasaad ng palitan, gantihan, o tuwangang kilos ng pandiwa at ginagamit dito ang panlaping ka- at nakipag-an na ibig sabihin ay kagantihan o magkatuwangan ng kilos. 
Hal. Nakipagtulungan ang maraming Pilipino sa mga repormista.

Pokus ng Pandiwa – Ang pokus ng pandiwa ay tumutukoy sa makahulugang pagkakaugnay ng paksa at pandiwa sa pangungusap
1. Tagaganap o aktor
2. Layon
3. Ganapan
4. Tagatanggap
5. Gamit/Instrumento
6. Direksyon
7. Sanhi
8. Resiprokal/Gantihan

Ang sintaksis / palaugnayan – Ito ang pagsasama-sama o pag-uugnay-ugnay ng mga salita upang makabuo ng pangungusap.
1. Kaayusan ng Pangungusap - karaniwan at di-karaniwan 
2. Kayarian ng panaguri - Ito ay maaaring buuin ng isang salita, parirala o isang sugnay
Isang salita – Ito ay pangngalan, panghalip, pang-uti, pang-abay, pandiwa o pawatas
Parirala – Ito ay maaaring pariralang pang-ukol o pariralang pawatas
Sugnay – Gumaganap ang sugnay sa tungkulin ng pangngalan.
3. Kayarian ng paksa – Ito ay maaaring buuin ng isang salita, isang parirala, o sugnay. Katulad ng panaguri, ang paksa ay ginagamitan ng isang pangngalan, pandiwa, panghalip, pang-uri o pawatas.

Mga Pangungusap na Walang Paksa
1. Eksistensyal
2. Pahanga
3. Sambitla
4. Pamanahon/penomenal
5. Pormulasyong panlipunan

Uri ng Pangungusap ayon sa gamit
1. Paturol
2. Patanong
3. Pautos
4. Padamdam

Uri ng Pangungusap ayon sa kayarian
1. Payak
2. Tambalan
3. Hugnayan
4. Langkapan

Pangungusap – salita o lipon ng mga salita na nagsasaad ng diwa
Parirala – lipon ng salita na walang diwa
Sugnay – lipon ng mga salita na may paksa at panaguri subalit hindi buo ang diwa. Ito’y bahagi lamang ng pangungusap. Dalawang uri ng sugnay: sugnay na makapag-iisa at sugnay na di-makapag-iisa

Aspekto ng Pandiwa
1. Aspektong Naganap o Perpektibo
2. Aspektong Katatapos
3. Aspektong Nagaganap o Imperpektibo
4. Aspektong Magaganap/Gaganapin o Kontemplatibo

Dalawang Uri ng Pandiwa
1. Katawanin (intransitive) – pandiwang ganap o buo na ang diwang ipinahahayag sa ganang sarili at di nangangailangan ng layon
2. Palipat (transitive) – pandiwang hindi ganap o buo at nangangailangan ng layon

Dalawang Tinig ng Pandiwa
1. Tukuyan o tahasan (active) – simuno ng pangungusap ang gumagawa ng kilos ng pandiwa
2. Balintiyak (passive) – simuno ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa

ANG PATALINGHAGANG PAGPAPAHAYAG O TAYUTAY

1. Pagtutulad (simile) – ginagamit ito sa paghahambing ng dalawang bagay, tao, pangyayari at iba pa. Ito’y gumagamit ng mga salitang panulad tulad ng para, kagaya, kapara, kawangis, animo, at katulad.
Hal. Ang luha ni Dina ay tulad ng mga butil ng perlas
2. Pagwawangis (metaphor) – ito ay naghahambing din tulad ng pagtutulad ngunit hindi  gumagamit ng mga salitang panulad sapagkat ito’y tiyakang paghahambing.
Hal. Ang ama ni David ay leon sa bagsik.
3. Pagmamalabis (hyperbole) – Lubhang nagpapalabis o nagpapakita ng kalagayan ng tao, bagay o pangyayari
Hal. Bumaha ng salapi sa mga kamag-anak nang dumating si Rico mula sa ibang bansa.
4. Pagtatao (personification) – Pagbibigay-katauhan o pagsasalin ng talino o gawain at katangian sa mga bagay-bagay sa paligid natin sa pamamagitan ng pandiwa.
Hal. Ang buwan ay nagmamagandang gabi sa lahat.
5. Pagpapalit-tawag (metonymy) – Pagpapalit ng mga katawagan ng mga bagay na  magkakaugnay, hindi sa kahambingan kundi sa mga kaugnayan. Ang salitang “ meto” sa metonimiya ay nangangahulugan ng paghalili at pagpapalit.
Hal. Tumanggap siya ng mga palakpak sa kanyang tagumpay
6. Pagpapalit-saklaw (synecdoche) – Sa pagpapahayag na ito’y maaring banggitin ang bahagi upang tukuyin ang kabuuan at maaari namang ang isang tao’y  kumakawan sa isang pangkat.
Hal. Amin na nanlilisik na mga mata ang nakatitig sa batang takot na takot.
7. Pagtatanong o tanong retorikal (rhetorical question) – Ginagamit ito upang tanggapin o di tanggapin ang isang bagay. Ang  pagpapahayag na ito’y hindi naghihintay ng sagot.
Hal. May ina kayang makatitiis na hindi damayan ang nahihirapang anak?
8. Pagdaramdam (exclamation) – Isinasaad ng pagpapahayag na ito ang di pangkaraniwang damdamin.
Hal. Minamahal kong ina, ikaw na walang ginawa kundi pawang pagpapakahirap at pagpapakasakit para sa aking kapakanan ay yumaong hindi ko man lamang napaglingkuran.
9. Pagsusukdol (climax) – baitang-baitang na pagsasaad ng mga bagay o pangyayari hanggang sa umabot sa pinakamahalaga
10. Pagtatambis (antithesis) – Ang pagpapahayag na ito’y bumabanggit ng mga bagay na makakasalungat upang mapabisa ang pangingibabaw ng isang  natatanging kaisipan. 
Hal. Siya’y isang babaeng napakahirap pakibagayan. Ayaw ng masalita at walang kibo. Nayayamot sa maraming  mga tao ngunit ayaw naman ng  nag-iisa. Nagagalit sa mangmang, ayaw rin namang makihalubilo sa maralita. Kayhirap unawain ang kanyang ugali.
11. Pagsalungat (epigram) – kahawig ng tambisan ngunit maikli at matalinghaga.
Hal. Lumuha siya upang lumigaya sa habang panahon.
12. Pagtawag (apostrophe) – pakikipag-usap sa karaniwang bagay o isang dinadaramang 
kaisipan na para bang nakikipag-usap sa isang buhay na tao sa isang taong wala naman ay parang naroo’t kaharap.
Hal. Panaginip, halika’t lapitan mo ako at isakay sa iyong pakpak.
13. Pagtanggi (litotes)- Gumagamit ito ng panangging “ hindi” upang magpahiwatig ng lalong makahulugang paksang-ayon.
Hal. Hindi ko sinasabing tamad ka, lamang at bakit laging marumi ang iyong bahay
14. Pag-uyam (irony o sarcasm) – Ang pagpapahayag na ito’y ginagamitan ng mga pananalitang nangungutya sa pamamagitan ng mga salitang kung kukuning literal ang kahulugan ay tila kapuri-puri.
Hal. Ang babaeng nakilala mo ay talagang mahinhin. Napakalakas humalaklak at kung manamit ay halos nakabilad na ang katawan.
15. Paglilipat-wika (transferred epithets) – Tulad sa pagbibigay-katauhan na pinasasabagay  ang mga katangiang pantao, ngunit sa halip na pandiwa ang ginagamit ay mga pang-uri, mga  pang-uring tanging sa tao lamang ginagamit.
Hal. Ang mapaglingkod na payong ay sira na.
16. Parabula (parable) – Isang maikling  salaysay ng isang pangyayaring maaaring maganap sa buhay o sa katalagahan, na makukunan ng isang aral na pangkaasalan o pangkaluluwa.
Halimbawa: Si San Bernardo’y nagtanong
Sa Diyos na ating Panginoon
“Sa sugat Mo, Panginoon,
na tinamong suson-suson
ay alin sa mga iyon ang
mahapdi hanggang ngayon?”
Hango sa tulang “Sugat sa Balikat” ni Florante
17. Pabula (fable) – Isang maigsing kasaysayan ang inilarawang mga kilos o mga katangian ng mga hayop o ng mga bagay na walang kaluluwa. Kalimita’y patungkol sa mga kaasalan o kahinaan ng tao.
18. Paghihimig (onomatopoeia) – ang kahulugan ay nailalahad sa tulong ng tunog o himig ng mga salita
Hal. Dumadagundong ang tunog ng loudspeaker sa mahinang dibdib ng matanda.
19. Pag-uulit (alliteration) – gumagamit ng magkakatulad na titik o pantig sa simula sa isang pangungusap.
Hal. Hinahanap at hinihintay niya ang muli mong pagbabalik bagaman masasabing ito ay himalang mangyayari.
20. Paglumanay (euphemism) – malumanay at mabubuting pananalita sa tao o bagay o pangyayaring karaniwa’y hindi pinag-uukulan ng ganoon.
Hal. Kinuha na ng Panginoon ang kaniyang mahal na ama.
21. Asonans (assonance) – pag-uulit ng mga tunog-patinig sa alinmang bahagi ng salita
Hal. Nasisiyahan ka palang manghiram ng ligayang may hatid na kamandag at lason.
22. Konsonans (consonance) – katulad ng aliterasyon, pag-uulit ito ng mga katinig, ngunit sa bahaging pinal naman
Hal. Ang halimuyak ng mga bulaklak ay mabuting gamot sa pusong wasak.
23. Anapora – pag-uulit sa unang bahagi ng pahayag o ng isang taludtod
Hal. Kabaataan ang sinasabing pag-asa ng ating bayan
  Kabataan ang sanhi ng pagsisikap ng bawat magulang. 
24. Epipora – pag-uulit naman ito sa huling bahagi ng pahayag o taludtod
Hal. Ang Konstitusyon o Saligang Batas ay para sa mamamayan, gawa ng mamamayan, at mula sa mamamayan.



25. Anadiplosis – pag-uulit sa una at huli ng taludtod
Hal. Mata’y ko man yatang pigili’t pigilin
Pigilin ang sintang sa puso’y tumiim
Tumiim na sinta’y kung aking pawiin
Pawiin ko’y tantong kamatayan ko rin.

WASTONG GAMIT NG MGA PANGATNIG

Ang pangatnig ay kataga, salita, o lipon ng mga salita’t kataga na nagsasaad ng kaugnayan ng isang salita sa kapwa salita, parirala sa kapwa parirala, sugnay sa kapwa sugnay, o pangungusap sa kapwa pangungusap. Maraming pangatnig sa wikang Filipino. Ito ang mga sumusunod.
1. Pamukod-ginagamit sa pagbubukod, pagtatangi o pagpili 
Hal. o, ni, maging, man 
2. Panubali- nagsasaad ng kalayaang may kondisyon o pasubali; ginagamit ng mga paliwanag.
Hal. kapag, kung, pag, nasa, sakali
3. Paninsay- kung ang unang bahagi ng panungusap ay sumasalungat sa kasunod na bahagi
Hal. bagamat, datapwat, samantala
4. Pananhi-nagbibigay-dahilan o nangangatwiran sa pagkakaganap ng kilos o sumasagot sa tanong na bakit
Hal. dahil, sapagkat, sanhi ng
5. Panlinaw-nagpapaliwanag ng bahagi o kabuuan ng isang ipinahahayag o ng tinatalakay.
Hal. kaya, kung gayon, samakatuwid
6. Panapos- nagpapahiwatig ng katapusan ng pagsasalita
Hal. sa bagay na ito, sa lahat ng ito 
7. Panimbang-ginagamit kung ang dalawang salita, parirala o sugnay na pinag-uugnay ay magkasinghalaga o magkatimbang 
Hal. katulad, gaya ng, at, saka, maging, gayundin

WASTONG GAMIT NG SALITA
Ang pagiging malinaw ng pahayag ay nakasalalay sa mga salitang gagamitin. Kinakailangang angkop ang salita sa kaisipan at sitwasyong ipahahayag. May mga pagkakataon na ang mga salitang tama naman ang kahulugan ay lihis o hindi angkop na gagamitin.

Halimbawa:
1. Tanaw na tanaw na namin ang maluwang na bibig ng bulkan.
2. Bagay kay Ara ang kaniyang makipot na bunganga.
3. Ginanahan sa paglamon ang mga bagong dating na bisita.
4. Maarte siya sa pagkain kaya hindi siya tumataba.

bundok, tumpok, pumpon, salansan, tambak
kawangis, kamukha, kahawig
samahan, sabayan, saliwan, lahukan
daanan, pasadahan
aalis, yayao, lilisan

1. nang at ng   7.  kibo imik
2. kung at kong   8.  pinto at pintuan
3. may at mayroon   9.  hagdan at hagdanan
4. subukin at subukan            10.  iwan at iwanan
5. operahin at operahan            11.  tungtong, tuntong, at tunton
6. napakasal at nagpakasal                    12.  Panhik at akyat
         
ILANG SALITA NA HINDI NABABAYBAY NANG TAMA

paruparo estilo 
alaala espiritu
ano-ano estruktura
sino-sino desgrasya
halo-halo (magkakasama ang iba’t ibang bagay) politika
iba’t ibang tradisyonal
haluhalo (pagkain) koryente
salusalo (piging/handaan) tornilyo
gamugamo dalagambukid (isda)
estudyante dalagang-bukid (dalagang tagabukid)




PAUNLARIN ANG TALASALITAAN 

KAHULUGAN KAHULUGAN
naudlot hindi natuloy banyuhay bagong anyo ng buhay
maibsan matanggal; mawala; mabawasan masalimuot hindi simple, kumplikado
masawata mapigil magkamal maghakot
susugpo pipigil hinubog ginawa
peligro kapahamakan nahikayat naakit
malipol mahuli baklasin kalasin
inaasam gustong makamit; pinapangarap naghasik nagsabog
kamangmangan kawalan ng pinag-aaralan pagsikil pagkontrol
karuwagan kahinaan marubdod matindi
maibsan matanggal; maalis bugso dagsa; pagiging sagana
nasaksihan nakita, naranasan nakauungos nakahihigit; nangunguna
nakihamok nakipaglaban magagara magaganda
kapanalig kasama sa paniniwala alitan awayan
nagpahupa nagpatigil sigalot kaguluhan
kinagisnan kinamulatan kabisera sentro; bayan
nakapipinsala nakakasira kaalyado kasama; kakampi
ubos-biyaya aksayado

PAGBUO NG PANGUNGUSAP
1. Tiyakin ang timbang na ideya at paralelismo sa loob ng pangungusap.
Di-timbang: Matapos magsitangis ay agad na nagbalot ng mga gamit ang mga napaalis na iskwater.
Timbang: Matapos magsitangis ay agad na nagsipagbalot ng mga gamit ang mga napaalis na iskwater.
Di-paralel: Ang pag-eehersisyo at masusustansiyang pagkain ay mahalaga sa pagpapabuti ng ating kalusugan.
Paralel: Ang pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiyang pagkain ay mahalaga sa pagpapabuti ng ating kalusugan.
2. Tiyaking nagkakaisa ang mga aspekto ng pandiwa sa pangungusap.
Di-nagkakaisa: Nagsialis at nagsisiuwi na ang mga panauhin ko kanina.
Nagkakaisa:     Nagsialis at nagsiuwi na ang mga panauhin ko kanina.
3. Huwag pagsamahin sa pangungusap ang hindi magkakaugnay na kaisipan.
Di-magkaugnay: Hindi uunlad ang ating wika kapag hindi natin ito ginamit at nahilig tayo sa   kalayawan.
Wasto: Hindi uunlad ang ating wika kapag hindi natin ito ginamit.
4. Iwasan ang pagsasama-sama ng maraming kaisipan sa isang pangungusap.
Di-mabisa: Ang pagsasayaw gaya rin ng paglalaro ng mga bata ng taguan kung gabing walang buwan at ng pagdadama ng mga lalaking walang magawa at nagpapalipas ng oras sa pagupitan ay tunay na nakaaaliw.
Mabisa: Ang pagsasayaw, gaya ng paglalaro ng taguan ng mga bata, ay tunay na nakalilibang.
5. Gawing malinaw sa pangungusap kung alin ang pangunahing sugnay at ang pantulong na sugnay.
Hindi malinaw: Dahil sa ayaw ko iyon, hindi ko binili ang aklat.
Malinaw: Dahil sa ayaw ko sa aklat, hindi ko iyon binili.
6. Gamitin ang tinig na balintiyak ng pandiwa kapag ang simuno ng pangungusap ay hindi siyang gumaganap ng kilos.
Mali: Si Joel ay binili ang relo para kay Bernie.
Tama: Ang relo ay binili ni Joel para kay Bernie.
Binili ni Joel ang relo para kay Bernie.
7. Huwag ilayo ang salitang panuring sa tinuturingang salita. 
Malayo: Maganda ang kuwentong binasa ko talaga.
Tama: Maganda talaga ang kuwentong binasa ko.
8. Ilapit ang panghalip na pamanggit sa pangngalang kinakatawan nito.
Malayo: Ipinanhik ni Jun ang telebisyon sa bahay na binili ng tatay niya.
Tama: Ipinanhik ni Jun sa bahay ang telebisyon na binili ng tatay niya.

GAMIT NG GITLING
1. Pag-uulit ng salita. 
Hal: sira-sira, pantay-pantay, araw-araw
2. Kapag ang panlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa pantinig.
Hal: pag-ibig, mag-ama, pag-uusap

3. Kapag ang salitang nilalapian ay pangngalang pantangi
Hal: maka-Diyos, taga-Davao, maka-Filipino
4. Sa pagsulat ng pangalan ng isang babaeng may-asawa upang ipakita ang kaniyang apelyido noong dalaga pa siya.
Hal: Juana Tiambeng-Baltazar, Ann Curtis-Martinez
5. Panghalili sa nawawalang kataga o salita sa isang tambalang salita
Hal: lakad-takbo (lakad at takbo), pamatid-uhaw (pamatid ng uhaw)
6. Kapag ang panlaping ika- ay sinusundan ng numero
Hal: ika-31 ng Marso, ika-5:00 ng hapon
7. Kapag isinusulat nang paletra ang mga yunit ng praksiyon
Hal: isang-kapat (1/4)
MGA KAWIKAAN / IDYOMA

kayod-kalabaw halos walang tigil sa pagtatrabaho nagpuputok ang butse galit na galit
nagtataingang-kawali nagbingi-bingihan amoy lupa malapit nang mamatay, matanda na
walang itulak-kabigin parehong-pareho sa mga katangian may gatas pa sa labi bata pa
pabalat-bunga hindi tapat sa loob ang anyaya abot-dili malubha na ang kalagayan
parang nilubugan ng araw nawalan ng pag-asa hilong talilong litong-lito
anakpawis manggagawa hindi kakapitan ng alikabok bihis na bihis, pusturang-pustura
hawak sa tainga taong sunud-sunuran sa isang tao hagisan ng tuwalya tapos na ang labanan dahil natalo na ang isa
may utak matalino humuhukay ng sariling libingan siyang lumilikha ng sariling kapahamakan
kalatog-pinggan taong nag-aabang sa kainan o handaan itinulak sa bangin ibinuyo, ibinulid sa kapahamakan
papatay-patay mahiyain, babagal-bagal laman ng lansangan palaboy
bukas ang palad galante, handang tumulong balat-kalabaw hindi marunong mahiya
magmahabang dulang pakakasal, mag-aasawa nagsusunog ng kilay nagsisikap sa pag-aaral
sanga-sangang dila sinungaling huling hantungan libingan
maraming kuskos-balungos makulit, hindi makatuwirang pamimilit magdildil ng asin maghirap
kapit-tuko mahigpit ang kapit nakahiga sa salapi mayaman, mariwasa


PANITIKANG FILIPINO

PANAHON NG KATUTUBO
Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga sinaunang Pilipino. Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa. Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga pirasong kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang mga natagpuan ng mga arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang dumating sila sa bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

PANAHON NG PANANAKOP NG KASTILA 
Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong G’s – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-asal at ang ikalawa ay ang panitikang panrebolusyon.

(1) Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal.
Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at mga dulang duplo at karagatan. Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil sa nadaramang takot at pagiging madamot ng mga Kastila. Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; ang Doctrina Christiana na nalimbag noong 1553 na isang panrelihiyong aklat.
Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula nama’y ang mga senakulo, santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng mga Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa Mindanao at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang Kristiyanismo. Nauso rin ang carillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumagalaw sa likod ng isang mailaw at puting tela. Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.
Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos Felices (Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang nalathala ang pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang labinlimang tomo.

(2) Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso
Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila, karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.
Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila. Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na naglalayong “matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakad ng mga Kastila at upang pairalin ang kalayaan at demokrasya.” 
Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat.
Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi ng pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas laban sa mga Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos. Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at marami pang iba ay nagsisulat din.

PANAHON NG PANANAKOP NG AMERIKANO
Dahil sa pagnanais ng mga Pilipino na mapatalsik ang mga Kastila, naging tagapagsagip ang mga Amerikano nang dumating sila noong 1898 na tuluyang nagpabagsak sa pamahalaang Kastila. Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang naging pangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Sa panahon ding ito isinilang ang mga ilang imortal na makatang Pilipino na nagsisulat sa Ingles at Tagalog.
Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerikano sa bansa, sumulat ang mga Pilipino sa Kastila, Tagalog at iba pang wikang panlalawigan. Nagsimula lamang umusbong ang mga panitikan sa Ingles noong 1910 dahil sa mga bagong silang na manunulat. Kabilang sa mga manunulat sa panahong ito sina Cecilio Apostol na sumulat ng mga oda para kay Rizal; Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang natatanging mga talumpati; si Lope K.Santos na sumulat ng obra-maestrang “Banaag at Sikat” at nagpauso ng panitikang sosyalista; si Jose Corazon de Jesus na tinaguriang Makata ng Pag-ibig at may panulat-sagisag na ‘Huseng Batute;’ at si Jose dela Cruz na may panulat-sagisag na ‘Huseng Sisiw’ dahil sisiw ang ipinababayad kapag nagpapagawa sa kanya ng tulang pag-ibig; si Severino Reyes na sumulat ng imortal na dulang “Walang Sugat” at tinaguriang Ama ng Dulang Tagalog; si Zoilo Galang na pinakaunang nobelistang (A Child of Sorrow) Pilipino sa Ingles at maraming-marami pang iba.
Ang mga Amerikano ang nagpakilala ng mga fairy tale sa mga Pilipino na ginamit ng mga gurong Tomasites sa pagtuturo. Ipinakilala rin ng mga ito ang iba pang uri (genre) ng panitikan gaya ng oda at nagpakilala sa pinilakang-tabing – ang pelikula. Dahil sa impluwensiyang panteknolohiyang dala ng mga Amerikano, naimpluwensiyahan din ang panitikan sa bansa. Dula ang naging pangunahing panitikan sa panahong ito. Dala nila ang mga bodabil na isang uri ng dula kung saan umaawit at sumasayaw ang mga artista na nagbunga sa sarsuwela ng Pilipinas. Dahil sa dala rin ng mga Amerikano ang pelikula sa bansa, ngunit nag-umpisa ito sa mga artistang gumagalaw lamang at nagsasalitang walang tinig (silent films); unti-unting naisantabi pansamantala ang dulang panteatro sa bansa dahil sa nakahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikulang-tahimik. Ang mga unang pelikulang ginawa sa bansa ay halos mga dokumentaryo ukol sa pagsabog ng mga bulkan at iba pang kalamidad at ang iilang dokumentaryong bunga lamang ng pagka-ignorante ng mga Amerikano sa mga katutubong Pilipino.
Ang mga unang pormal na pelikula sa bansa ay ukol sa buhay ng bayaning si Rizal at ng kanyang dalawang nobela. Ang pinakaunang pelikulang Hollywood na ginawa sa bansa ay ang pelikulang Zamboanga. Ito ang kauna-unahang Hollywood film na may underwater scene. Ngunit ang pinakaunang pelikulang produksyon ng Pilipino ay sa pamumuno ni Jose Nepumuceno hango sa dulang panteatrong Dalagang Bukid (dula ni Hermogenes Ilagan) na mala-teatro rin ang kinalabasan. Di naglaon, ninais na rin ng mga Pilipino na makawala sa kamay ng mga Amerikano. Ngunit hindi rin naging mabilis ang pagkamit sa kalayaan. Ang dula ay sadyang kinasangkapan ng mga manunulat na Pilipino upang ipahayag ang hangad na paglaya ng bayan at makabayang pananaw. Ang kalayaang tinamasa sa kamay ng mga Amerikano ay alangang ihambing sa ipinalasap ng mga Kastila. Gayunpaman, hindi rin nasiyahan ang mga manunulat. Isa sa mga unang dulang itinanghal sa panahon ng mga Amerikano na umuusig sa mga Amerikano at sedisyoso ay ang kay Juan K. Abad na itinanghal noong Mayo ng 1903 – ang Tanikalang Ginto. Inakyat ng mga alagad ng batas ang Batangas habang itinatanghal ang dulang ito dito at dinakip ang may-akda. Ngunit napawalang sala rin sa tulong ng isang mahusay na manananggol na Pilipino. Ang dulang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay tumuligsa rin sa Amerikano. Ngunit pinakamatindi ang paghihimagsik ng dulang “Hindi Ako Patay” na hindi na nakilala ang may-akda dahil sa ginamit nito ang pangalan ng kanyang may- bahay.

PANAHON NG PANANAKOP NG HAPON
Sa pambobomba ng Amerika sa Hiroshima, gumanti ang Hapon sa paglusob nito sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Dahil nasa ilalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangan ng panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nililikha. Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.
Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina LiwaywayA. Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-peministang maikling kuwento. Dahil sa dinalang haiku (maikling tulang may tatlong taludtod at may bilang na pantig na 5-7-5 sa taludtod), nagkaroon ang mga Pilipino ng tanaga (maikling tulang may apat na taludtod at ang bilang ng pantig ay 7-7-7-7.

MGA DAGDAG NA IMPORMASYON-----------------------------------------------------

BAGO DUMATING ANG MGA KASTILA: Sumakop ito mula sa panahong ang kapuluan ay hindi pa nasasakop ng Kastila hanggang sa pagdating ni Legaspi noong 1565.

1. Alibata/Baybayin 
2. Uri ng Panitikan
a. Awiting Bayan
Hal. oyayi o paghehele – pagpapatulog ng bata     
sambotani – awit sa pagtatagumpay sa digmaan
diona – awit sa panliligaw at pagkakasal
        soliranin – paggagaod
talindaw – papamamangka
        diyana o tulinda – pagtatanim 
tikam or kumintang – awit sa pakikidigma 
kundiman – mga awit ng pag-ibig 
umbay – awit sa paglilibing 
dulayin o indulayin – lansangan
dalit – awit ng papuri sa Diyos
tagayan – awit sa pag-iinuman ng alak
balitaw – awit ng pag-ibig na may kasamang sayaw

b. Bugtong – uri ng laro na may kaugnayan sa pagpapahula sa isang bagay na inilalarawan
c. Palaisipan – larong humahamon sa isipan ng tao upang mag-isip ng kasagutan
d. Salawikain – patalinghagang pahayag na kinapapalooban ng makabuluhang pilosopiya
e. Sawikain – tinatawag ding kawikaan o kaya’y kasabihan. Karaniwang ipinakikita nito ang mga gawi o ugali ng isang tao.
f. Tugmaan – may tugmang tunog gamit sa panunukso ng mga bata
g. Bulong – mga tugmaang ginagamit sa panggagamot o pangkukulam
h. Kantahing-bayan – awiting may paksa na inaawit sa iba’t ibang dahilan
Halimbawa: Leron-Leron Sinta (Tagalog)
Dandansoy – Bisaya
Aten Cu Pung Singsing - Kapampangan
i. Kuwentong Bayan
Hal. Ang Matalinong Pagong at ang Hangal na Unggoy
j. Mga Epiko – tulang pasalaysay na nagpapakita ng kabayanihan, katapangan, at pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan
Indarapatra at Sulayman - Maguindanao
Bidasari - Malay Muslim  
Ibalon - Bicol
Kumintang - Tagalog
Biag ni Lam-ang - Ilokano
Hudhud at Alim - Ifugao
Maragtas - Bisaya

PANAHON NG KASTILA. Simula 1565 hanggang sa pag-aalsa sa Cavite noong 1872 at hanggang sa paglagda ng kasunduan sa Paris. Pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Propaganda at Himagsikan. 

Akda ukol sa Relihiyon
a. Doctrina Cristrina – Padre Juan de Placencia at Padre Domingo Nieva  
b. Barlaan at Josaphat – Antonio de Borja
c. Nuestra Señora del Rosario – Padre Blancas de San Jose
d. Pasyon
1) Gaspar Aquino de Belen 1704
2) Mariano Pilapil 1814
3) Aniceto dela Merced 1856-1858
4) Luis de Guien 1750
5) Urbana at  Felisa – Modesto de Castro (Ama o Hari ng Klasikang Tuluyan sa Tagalog)

Akda Ukol sa Wika
a. Arte de la Lengua Bicolana – Padre Marcos Lesba
b. Arte y Reglas de la Lengua Tagala (1610) - Padre Blancas de San Jose at Tomas Pinpin 
c. Vocabulario de la Lengua Tagala (1613) - Padre Pedro de San Buenaventura

Anyo ng dula
a. Karagatan
b. Duplo
c. Tibag
d. Panunuluyan
e. Senakulo
f. Sarswela

Kaibhan ng awit at Kurido
       Awit Kurido
12 pantig 8 pantig
marahang kumpas “andante” mabilis na kumpas “allegro”
Kagandahan – aral kagandahan – kuwento
Hal.  Florante at Laura Hal. Ibang Abong Adarna

PANAHON NG PROPAGANDA AT HIMAGSIKAN 
Nagdilig ng Nasyonalismo – Gomez, Burgos at Zamora
1. Herminigildo Flores - Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya (tula)
2. Marcelo H. del Pilar - Isinalinang ang “Amor Patria” ni Rizal
Plaridel, Piping Dilat) - Caiigat Cayo
Dolores Manapat, Pupdok - Cadaquilaan ng Diyos / Dasalan at Tocsohan
Diariong Tagalog - Sagot ng Espanya sa Hibik ng  Pilipinas
La Solidaridad
3. Jose Rizal - Noli Me Tangere
Dimasalang, Laon-Laan - El Filibusterismo
P. Jacinto) - Ang mga Dahilan ng Katamaran ng mga Pilipino
Leonor Rivera (Taimis) - Liham sa nga Babaing Taga-Malolos
- Makamisa
- Ang Pilipinas sa loob ng  100 Taon
4. Andres Bonifacio - Mga Aral ng Katipunan
Agapito Bagumbayan - Katapusang Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya
- Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
- Unang nagsalin ng “Huling Paalam” ni Rizal
5. Emilio Jacinto - Liwanag at Dilim
Pinagkian, Dimas-ilaw - Kartilla ng Katipunan
Utak ng Katipunan - namuno ng Kalayaan)
6. Apolinario Mabini - Utak ng Himagsikan
- Liham sa kanyang Ina

7. Graciano Lopez Jaena      - Unang patnugot ng La  Solidaridad
- Fray Botod

Mga sagisag ng iba pang propagandista at manunulat:
a. Ponce - Tikbalang, Naning, Kalipulako
b. Antonion Luna - Taga-ilog
k. Panganiban - Jomapa

PANAHON NG AMERIKANO (Paglagda sa Paris hanggang sa pagbagsak ng Pearl Harbor)
1. Dula
a. Severino Reyes (Lola Basiang, Mang Binong)
1. Walang Sugat   9.  La Vento de Filipinas
2. Huling Pati 10.  Ana Maria
3. Minda 11.  Ang Kalupi
4. Filotea 12.  Ang Bagong Fausto
5. Mga Bilag ni Kupido 13.  RIP
6. Puso ng Inang Pilipinas 14.  Si Margaritang Mananahi
7. Mga Pusong Dakila 15. Ang Halik ng Isang Pataya
8. Filipinas Para Los Filipinas

b. Patricio Mariano
1. Sampaguita   8.  Tulisan
2. Devi   9.  Ang Dalawang Pag-  ibig
3. Silanganin (nagkamit ng unang gantimpala)
4. Ang Pakakak 10.  Lakambini
5. Luha at Dugo 11.  Dahil sa Watawat
6. Liham at Pag-ibig    12.  Ang Anak ng Dagat
7. Ako’y Iyo Rin             
     
        c.   Aurelio Tolentino
1. Sumpaan   7.  La Rosa
2. Pilipinas at Espanya   8.  Bagong Kristo
3. Kahapon, Ngayon at Bukas      9.  Manood Tayo
4. Rizal Los Dioses 10.  Ang Sundang ng Isang Patay
5. Sinukuan (obra maestra) 11.  Luhang Tagalog
6. Ang Makata     

2. Nobela
1. Lope K. Santos - Banaag at Sikat, Busabos ng Palad
2. Faustino Aguilar - Pinaglahuan, Lihim ng Pulo
3. Valeriano H. Pena - Nena at Neneng
4. Inigo Ed. Regalado - Madaling-Araw, Sampaguitang Walang Bango
5. Ma. Castro - Nabasag ang Banga
6. Roman Reyes - Ang Bulaklak ng  Kalumpang
7. Fausto Galauran - Ang Anak ng Kriminal

3. Maikling Kuwento
1. Deogracias, Rosario - Aloha 
- Ako’y May Isang  ibon
    - Ama ng maikling Kuwento
2. Dagli – kuwentong namumuna,  pumupuri
3. Clodualdo del Mundo  - Tao sa Parolang Ginto
4. Alejandro Abadilla  - Talaang Bughaw
5. Mga Kuwentong Ginto – (1925-1935) Abadilla at Del Mundo
6. 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista –  Pedrito Reyes

4. Tula 
Balagtasan – Tagalog
Crisotan – Pampanga
Bukanegan – Iloko 
Embayoka – Muslim

Lope K. Santos (anak bayan)
Puso at Diwa
Hamak na dakila
Sino Ka? Ako’y si ………………

Julian Cruz Balmaceda
Sa Bayan ni Plaridel Bakit
Anak ni Eva Ang Ulila
Bukas
Panganip Lamang (Katipunan ng mga tula)
  Nasaan Ka, Buhok? 
Marilag na Guro
Ikaw

Inigo Ed Regalado (Odalager)
  Ang Pinagbangunan Larawan ng Buhay

Ildefonso Santos
    Ang Ulap Ang Mangingisda
Panghulo
Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute)
    Sa Dakong Silangan (makabagong awit)
  Ang Bato Ang Pamana
  Sa Halamanan ng Diyos Pagbabalik
Buhay ng Tao Manok Kong Bulik

Teodoro Gener
                      Ang Buhay Ang Masamang Damo
  Anak Pawis

ISANG DIPANG LANGIT ni Amado V. Hernandez (Makata ng mga Manggagawa)
ANG PAGBABALIK ni Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute)
BINIBINING PHATUPATS ni Juan Crisostomo Sotto (Ama ng Panitikang Kapampangan)
ANABELLA ni Magdalena Jalandoni (Ina ng Panitikang Hiligaynon)
GRETA GARBO ni Deogracias Rosario (Ama ng Maikling Kuwento sa Tagalog)
AKO ANG DAIGDIG (tulang walang sukat at tugma) ni Alejandro Abadilla 
BANAAG AT SIKAT ni Lope K. Santos (Ama ng Balarilang Tagalog)
WALANG SUGAT ni Severino Reyes (Lola Basyang)
TANIKANG GINTO ni Juan Abad
HINDI AKO PATAY ni Juan Cruz Matapang
KAHAPON, NGAYON AT BUKAS ni Aurelio Tolentino
ANAK NG DAGAT ni Patricio Mariano
DALAGANG BUKID ni Hermogenes Ilagan
NABASAG ANG BANGA ni Atang dela Rama

PANAHON NG HAPON (1941-1944)

a. Dula
1. Mga tanyag na dula ng Dramatic Philippines
a. Sino Ba Kayo? - Julian Cruz Balmaceda 
b. Dahil sa Anak – Julian Cruz  Balmaceda
c. Sa Pula, Sa Puti – Francisco “Soc” Rodrigo
d. Martir sa Golgota
b. Maikling Kuwento
25 Pinakamabuting maikling kathang Pilipino 1943
1. Lupang Tinubuan – Narciso G. Reyes
2. Uhaw and Tigang na Lupa – Liwayway A. Arceo
3. Lungsod, Ngayon at Dagat-dagatan – NVM Gonzales
4. Dugo at Utak – Cornelio Reyes
5. Mga Yabag na Papalayo – Lucila Castro
6. May Umaga pang Daratal – Serafin Guinigundo
7. Sumisikat na ang Araw – Gemiliano Pineda
8. Tabak at Sampaguita – Pilar  Pablo
9. Madilim ang Umaga – Teodoro Agoncillo
10. Ikaw, Siya at Ako – Brigido Batongbakal
11. May Uling sa Bukana – Teo Buhain
12. Bansot – Aurora Cruz
13. Bahay sa Dilim – Alfredo  Enriquez
14. Nagmamadali ang Maynila – Serafin Guinigundo
15. Unang Pamumulaklak – Hernando Ocampo
16. Ang Tao, Ang Kahoy, at Bagyo – Aristeo Florido
17. Mga Bisig – Amando Pagsanjan
18. Sinag sa Dakong Silangan – Macario Pineda
19. Mga Diyos – Justino del Rosario
20. Luad – Gloria Villaraza
21. Ibon Mang May Layang Lumipad – Amado S. Pagsanjan
22. Paghihintay – Emilio Aguilar Cruz
23. Suyuan sa Tubigan – Macario Pineda
24. Kadakilaan: Sa Tugatog ng Bundok – Brigido Batumbakal
25. Ingkong Gaton – Serafin Guinigundo
k. Tula
1. Tanaga – Matandang tulang tagalog na binuhay sa Panahon ng  Hapon
2. Haiku – Tulang gagad sa tulang Hapon
d. Nobela
1. Sa Lundo ng Pangarap – Gervacio Santiago
2. Pamela – Adriano Landico  at  Alfredo Lituaco
3. Tatlong Maria - Jose Esperanza  Cruz 
4. Zenaida – Adriano Laudico
5. Magandang Silangan- Gervacio Santiago
6. Lumubog ang Bituin – Isidra Zarraga-Castillo

e. Panahong Kasalukuyan
1. Gantimpalang Palanca – sa kuwento, tula, dula
2. Nobela 
Maynila sa Kuko ng Liwanag – Eduardo Reyes
Ibong Magdaragit – Amado V. Hernandez
Luha ng buwaya – Amado V. Hernandez

SAGISAG-PANULAT (PEN NAME) NG ILANG KILALANG MANUNULAT NA PILIPINO

MANUNULAT SAGISAG MANUNULAT SAGISAG
Antonio K. Abad Akasia Pascual Alvarez Bagongbuhay
Jose Abreu Kaibigan Aurelio Alvero Magtanngul Asa
Macario Adriatico Amaori
C. Amabri
Felipe Malayo Cecilio Apostol Catulo
Calipso
Calypso
Faustino Aguilar Sinag-Ina Francisco Arcellana Franz Arcellana
Emilio Aguinaldo Magdalo Pedro de Govantes de Azcarraga Conde de Albay
Virgilio Almario Rio Alma Severino de las Alas Di-Kilala
Asuncion Lopez Bantug (Rizal’s grand niece) Apo ni Dimas Severino Reyes Lola Basyang
Jose Ma. Basa Isaac Fernando delos Rios Epifanio deloa Santos G. Solon
Bautista Ba Basiong Mariano del Rosario Tito-Tato
Andres Bonifacio Agapito Bagumbayan
Maypagasa (Katipunan) Salvador Vivencio del Rosario X
Juan Tagalo
Felipe Calderon Simoun
Elias
Marcelo H. Del Pilar Plaridel
Dolores Manapat
Piping Dilat
Siling Labuyo
Kupang
Haitalaga
Patos
Carmelo
D.A. Murgas
L.O. Crame
D.M. Calero
Hilario
M. Dati Valeriano Hernandez Peña Ahas na Tulog
Anong
Damulag
Dating Alba
Isang Dukha
Kalampag
Kintin Kulirat
Domingo Gomez Romero Franco Gen. Vito Belarmino Blind Veteran
Nestor Vicente Madali Gonzales N.V.M. Gonzales Fernando Ma. Guerrero Fluvio Gil
Amado V. Hernandez Amante Ernani
Herininia de la Riva
Julio Abril Emilio Jacinto Pinkian
Nick Joaquin Quijano de Manila Francisco Sionii Jose F. Sionii Jose
Antonio Luna Tagailog Apolinario Mabini Paralitico
Rafael Palma Dapit Hapon Mariano Ponce Kalipulako
Jose Turiano Santiago Tiktik Juan Crisostomo Soto Crissot
Clemente Jose Zulueta M. Kaun J. Zulueta Juan Totoo


TEORYANG PAMPANITIKAN

BAYOGRAPIKAL
Higit na mahalagang matuklasan at maunawaan ang katauhan o personalidad ng may-akda upang lalong matugunan ang maraming katanungang taglay ng isang akda, na tanging ang may-akda lamang ang makasasagot.
Ang karanasan ng may-akda ang nag-udyok sa kanya upang isulat ang kaniyang akda.
Sa paggamit ng teoryang ito ay huwag lamang kalimutan ng mag-aaral at guro  na ang binabasa at sinusuri ay ang akda at hindi sapat ito upang ipagpalit sa pagtalakay sa  buhay ng makata o manunulat.
At ang pagpapasya sa binasang akda ay hindi kapintasan o kahinaan ng may-akda. Kung naging mapangahas man ang may-akda sa paglalantad ng ilang bahagi ng kaniyang buhay, isipin na lamang na ang mga ito’y nakaragdag sa ikagaganda ng akda.

HISTORIKAL
Ang pagsusuri ay nakabatay sa impluwensyang nagpapalutang: talambuhay ng may akda, ang sitwasyong pulitikal, ang tradisyon at kumbensyong nagpapalutang sa akda.
Mahalaga ring matuklasan sa teoryang ito ang puwersang pangkapaligiran at panlipunan na may malaking impluwensiya sa buhay ng manunulat.
Ang akda ay epekto ng kasaysayan dahil ang kasaysayan ay bahagi ng isang sistema at ito’y mahalagang sangkap ng panitikan. 
Sinisiyasat ng teoryang historikal ang pagbabagong nagaganap sa wika at ang pag-unlad na nagaganap dito nang pana-panahon 

KLASISISMO
Karaniwang pinapaksa nito ang mga likha ng Diyos, ang mga tanyag at dakilang pangyayaring kinasasangkutan ng mga bantog na tao, 
Pagtuklas at pagkilala sa katotohanan, kagandahan at kabutihan 
Layunin ng akda na linisin ang tao dahil pinalalabas na lahat ay itinadhana ng Diyos; na walang laban ang tao sa Diyos.
May paniniwalang may iba’t ibang uri ang lahat gaya ng matalinong tao at taong hangal, makapangyarihan at sunud-sunuran, pinakamayaman at pulubi 

HUMANISMO
Nagbibigay-puri sa tauhan 
Positibo ang sinasabi ng akda tungkol sa tao 
Nagpapakita ng damdamin at saloobin ng tauhan 
TAO ang paksa.

ROMANTISISMO
Pag-ibig ang karaniwang paksa.
Ang pangit ay pinagaganda.
Ang kasamaan ay ginagawang mabuti.
Tumatakas sa katotohanan 
Inspirasyon, imahinasyon, paglikha, kapangyarihang rebolusyunaryo, makapangyarihang damdamin, kalikasang personal, kahalagahang kumbensyunal, kabutihan, kagandahan – ito ang mga nakakapit sa romantisismo 

REALISMO
Higit na maganda ang katotohanan kaysa kagandahan.
Nagbibigay-diin sa makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, mga tao at lipunan.
Nagpapakita ng realidad sa tao, lipunan at kapaligiran 
Pagbabagong emosyunal 
Dahil dito hindi kataka-taka na paksain nito ang sosyo-pulitikal, kahirapan, kamangmangan, karahasan, krimen, bisyo, katiwalian, kawalan ng katarungan, prostitusyon, atbp.
Pagtatala ng iba’t ibang mukha ng buhay.

PORMALISTIKO
Sinusuri ang nilalaman, kaanyuan o kayarian at paraan ng pagkakasulat ng akda.
Ang teksto o akda mismo ang dapat suriin o pahalagahan kung tunay na gustong masukat ang kasiningan ng akda.

SIKO-ANALITIKO
Paniniwala nito na ang ekonomiya lamang ang motibo ng lipunan.
Ang akda ay nakatuon sa kamalayan ng tao sa lipunang kaniyang ginagalawan hatid ng kaniyang karanasan.
EKSISTENSYALISMO
Kapangyarihan ng tao batay sa paniniwala, kilos, pakikitungo sa kapwa 
Sa buhay ng makata at manunulat nakatuon ang teoryang ito.
Nangangahulugan na ang teoryang ito ay batay sa paniniwala ng “individuality.”
Kaya ang interpretasyon ay ayon sa pilosopiya ng katotohanan at buhay.

ISTRUKTURALISMO
Wika ang humuhubog sa lipunan at kalayaang panlipunan.
Nakabaon sa wika at panitikan ang pulitika at ekonomiya.
Kaya ang hubog at hugis ng wika at panitikan ay naaayon sa hugis at hubog ng lipunang bumubuo nito.

FEMINISMO
Babae ang sentro ng usapan.
Laging mas mababa ang istatus ng mga kababaihan sa kalalakihan. 
Pinaniniwalaan sa teoryang ito ang sistemang pangkababaihan bilang mga indibidwal na si-kapantay ng kalalakihan.

DEKONSTRUKSIYON
Ang teksto ay hindi nagtataglay ng iisang kahulugan lamang na siyang sinasabing lehitimo at tama.
Walang kaisahan ang teksto dahil nagtataglay ito ng napakaraming kontradiksyon.
May mga nakatagong kahulugan dahil may pinangangalagaang ideolohiya ang may-akda.
Sa pagdedekonstrak ng isang teksto ay maaaring sa apat na paraan: 
1. Ilahad ang buod ng kuwento.
2. Ipaliwanang ang tambalang magkaslaungat (binary opposites)
3. Tuklasin ang kahulugan ng mga metaporang nakapaloob sa bawat akda.
4. Sapuhin ang kaugnayan nito sa ibang tekstong pampanitikan (intertextuality)

If this content helps you, please share this NEWS with your friends and help someone to pass the board too!


#LETReviewers #PRC #LET #LicensedPRofessionalTeacher #LPT #GenED Reviewers for Teachers | LET Reviewers


/via Teachers ng Pinas


Reactions

Post a Comment

0 Comments